(by Evangeline Lucille Ortiz, UPRI Education Division)
Alam niyo ba na mas marami sa mga nagtapos sa Fundamentals of Resilience (FoR) MOOCs ay kababaihan?
Ngayong Women’s Month, mahalagang tingnan kung paano patuloy na nakikilahok ang mga kababaihan sa pag-aaral at pagkilos para sa disaster resilience at climate action.

Batay sa datos ng mga nagtapos sa FoR MOOCs na sumagot sa exit survey noong 2025, 9,382 sa kabuuang 17,274 respondents ay mga babaeng mag-aaral, o higit sa kalahati ng kabuuang bilang. Ipinapakita nito na maraming kababaihan ang aktibong naghahanap ng kaalaman tungkol sa disaster resilience at climate action.
Naitala rin mula sa exit survey na ang mga kakabaihang ito ay nagmula sa iba’t-ibang sektor. Pinakamalaki ang bilang mula sa government o public sector (2,641). Sinusundan ito ng mga kasalukuyang hindi nagtatrabaho (1,501) at mga mula sa private sector (1,351). Mayroon ding mga kalahok mula sa academe (1,020), mga naka-enroll sa graduate o professional studies (267), at mga mula sa non-government at civil society organizations (232). Ipinapakita ng distribusyong ito na ang kaalaman sa DRR at climate action ay ginagamit sa iba’t ibang larangan at konteksto ng trabaho at komunidad.
Upang mas maunawaan ito, tinanong namin ang ilang kababaihang nagsipagtapos ng FoR MOOCs kung ano pa ang dapat gawin upang mas mapalakas ang kanilang papel sa disaster risk reduction at climate action.

“Bilang research assistant at tagapagsulong din ng women’s rights, lalo na sa menstrual health at equity, nakikita ko ang malinaw na ugnayan ng mga ito sa DRR at CCA,” ika ng isang nagsipagtapos.
Dagdag niya, “Sa panahon ng sakuna, kadalasang hindi kinokonsidera ang pangangailangan ng mga kababaihan. Halimbawa, sa evacuation centers, hindi sapat ang relief goods kung walang menstrual hygiene kits, pribadong espasyo, at gender-sensitive WASH facilities.”
Iginiit din ng isang kalahok mula sa pampublikong sektor ang kahalagahan ng kababaihan sa pagharap ng krisis.

“Maraming kababaihan ang nagsisilbing haligi ng pamilya at komunidad—bilang health workers, community volunteers, caregivers, at mga lider na nagsusulong ng kaligtasan at kapakanan ng iba,” aniya. “Naniniwala ako na ang pagpapalakas ng papel ng kababaihan ay nagsisimula sa pagbibigay ng espasyo kung saan kinikilala ang kanilang boses, kaalaman, at karanasan. Kapag ang kababaihan ay nabibigyan ng pagkakataong makilahok sa pagpaplano, paggawa ng desisyon, at pagpapatupad ng mga programa, mas nagiging inklusibo at epektibo ang mga solusyon sa disaster risk reduction at climate action.”
Isang mag-aaral naman mula sa larangan ng kalusugan at counseling ang nagbahagi ng pananaw sa pagpapalakas ng leadership ng kababaihan sa resilience work:

“As a nursing student and peer counselor, I have come to realize that disaster risk reduction and climate action are not only technical concerns, but they are about dignity, justice, and recognizing the strengths of women in building resilient communities.
Iginiit niya rin ang halaga ng pakikilahok ng kababaihan sa resilience-building. “We can strengthen women’s leadership by actively inviting them into decision-making processes, supporting mentorship for young women and public health, and recognizing lived experiences as valuable knowledge in disaster planning.”
Sa pagtapos ng Buwan ng Kababaihan, ipinapaalala ng mga datos at mga pananaw na ito na mahalagang patuloy na isama ang perspektibo ng kasarian at kababaihan sa pagpaplano, paghahanda, at pagtugon sa mga sakuna. Ang pagkilala at pagpapalakas sa papel ng kababaihan sa disaster risk reduction at climate action ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na pagkilos sa mga komunidad, institusyon, at mga programang nagtataguyod ng resilience.
–
Upang mas mapalawak pa ang kaalaman sa disaster risk reduction at climate action, muling inihahandog ng UPRI at UPOU ang FoR MOOCs 3 and 4 ngayon Abril at Mayo 2026. Para sa karagdagang kaalaman, tumungo lamang sa https://resilience.up.edu.ph/fundamentals-of-resilience